Nograles at Task Force Yolanda, namahagi ng free housing units sa Eastern Samar

Nograles, Task Force Yolanda namahagi ng free housing units sa Balangiga, Eastern Samar

Si Cabinet Secretary Karlo Nograles, chairman ng Task Force Yolanda, kasama ang mga opisyal ng NHA at LGU, ay namahagi ng libreng mga yunit ng pabahay sa mga benepisyaryo sa Balangiga, Eastern Samar noong Miyerkules, Marso 31, 2021 bilang bahagi sa pagtupad ng administarsyong Duterte na kumpletohin ang Yolanda housing projects sa taong 2022.

Ang 34th virtual turnover ng 383 Yolanda housing units ay isinagawa sa Balangiga Town Ville Sites 1 & 2 sa Brgy. Cansumangkay, Balangiga, Eastern Samar sa ilalim ng Yolanda Permanent Housing Project.

Mula nang manungkulan bilang chairperson ng Inter-agency Task Force for the Unified Implementation and Monitoring of Rehabilitation and Recovery Projects and Programs in Yolanda-affected Areas, si Nograles ay nakapag-turnover na ng kabuuang 17,955 housing units sa iba’t ibang mga lugar at bayan sa Rehiyon 8.

Ang 17,955 na kabahayang ipinamahagi sa Region 8 ay matatagpuan sa mga sumusunod na lugar: Ormoc City, Leyte, (1,419 units); Cabucgayan, Biliran (258 units); Biliran, Biliran (1,265 units); Almeria, Biliran (405 units); Tacloban City, Leyte (8,046 units); Basey, Samar (1,000 units); Burauen, Leyte (187 units); Baybay City, Leyte (356 units); MacArthur, Leyte (112 units); Carigara, Leyte (2,285 units); Guiuan, Eastern Samar (610 units); Inopacan, Leyte (133 units); Mercedes, Eastern Samar (139 units); Gen. MacArthur, Eastern Samar (234 units); Quinapondan, Eastern Samar (623 units); Santa Fe, Leyte (500 units); at itong pinakahuli ay nasa Balangiga, Eastern Samar (383 units).

Malugod na binati ng opisyal ng Malacañang sina Mayor Randy D. Graza, Vice Mayor Samuel Enciso, mga municipal councilors, iba pang opisyal ng lokal na pamahalaan at mamamayan ng Balangiga kung saan huli nyang nakadaupang-palad noong pormal na itinurn-over ni Pangulong Duterte ang makasaysayang Balangiga Bells.

Pinuri rin ng Kalihim ng Gabinete ang National Housing Authority para sa mabilis na pagsasakatuparan ng proyektong pabahay, pagtiyak sa napapanahong pag-turnover ng mga ito sa local government units at patuloy na pagbibigay ng mahusay na serbisyo sa mamamayan.

“Itong sunod-sunod nating virtual turnovers ay senyales ng walang kapagurang paghahatid ng serbisyo ng ating mga kawani ng gobyerno. Kaya pinupuri natin ang kahusayan ng pamamahala nina NHA General Manager Marcelino “Jun” Escalada, Regional Manager Engr. Dodong Antiniero, mga kawani ng NHA Eastern Samar District Office, local chief executives, at iba pa nating kapwa manggagawa sa pamahalaan.”

Pinasalamatan din ni Nograles ang Phintecstar Construction sa pangunguna ng kanilang presidente na si Architect Zoilo Amador na umano’y “sinisigurado talaga nilang durable, mahusay, at may dignidad ang mga bahay na kanilang ginawa.”

Si Nograles, na namumuno rin sa Zero Hunger Task Force ng gobyerno, ay nabanggit na “itong mga ipinatayong kabahayan at komunidad ay mayroong sapat na pangunahing pasilidad tulad ng kuryente at tubig. Balak din naming maglagay ng Community Farm project in Yolanda Housing Sites sa Regions 6, 7, and 8.”

“Layunin ng proyekto na magbigay ng masustansyang pagkain at extrang pangkabuhayan para sa ating mga residente. Kailangan natin magtulungan, sa pamamagitan ng pakikipagkatuwang sa Pilipinas Kontra Gutom na isang kilusang binubuo ng iba`t ibang mga private corporations, establishments at organizations, plano nating bungkalin ang mga lupaing nakatiwangwang upang tamnan ng iba’t ibang gulay at pananim,” dagdag pa nito.

Kasama ito sa adbokasiya ng Pilipinas Kontra Gutom program na bawasan ang kagutuman at kahirapan, lalo na sa mga Yolanda-affected areas.

Sa kanyang bahagi, pinasalamatan ni Mayor Graza sina Pangulong Rodrigo Duterte, Nograles at ang NHA “sa pagkakaloob ng matiwasay at maunlad na pamayanang sa mga taga-Balangiga. Nakakataba ng puso na kasabay ng paggunita natin ng Semana Santa ngayong taon, dininig na ang matagal nilang ipinagdarasal – ang biyaya ng pagkakaroon ng sariling tahanan.”

Leave a comment